Isang bagong ordinansa ang nais ipatupad sa Dagupan City na naglalayong maresolba ang matagal nang problema sa pagbaha sa lungsod.
Napag-usapan sa isang pagpupulong ang pagtatag ng twinning agreement sa mga kalapit na munisipalidad upang magkaroon ng mas epektibong koordinasyon sa flood management.
Ayon sa Atty. Joey Tamayo konsehal ng nasabing lungsod, malaking bahagi ng pagbaha sa Dagupan ay dahil sa pagiging catch basin nito ng tubig mula sa Cordillera, dagdag pa ang epekto ng high tide lalo na’t isang coastal city ang syudad.
Aniya dalawang pangunahing daluyan ng tubig ang dahilan ng pagbaha: ang tubig mula sa Sinucalan River na dumadaan sa Binalonan, Santa Barbara, Calasiao, hanggang Dagupan; at ang Basing River na dinadaanan ng Agno River na nagmumula sa San Roque Dam at dumadaan sa mga lugar tulad ng San Carlos at Binmaley bago makarating sa Dagupan.
Ang layunin ng nasabing ordinansa ay makiisa ang Dagupan sa mga nasabing munisipalidad upang magkaroon ng koordinasyon sa pagmomonitor at pagpapanatili ng flood control systems sa bawat lugar.
Sa ganitong paraan, masisiguro na ang mga flood mitigation projects ay regular na masusuri at mapapabuti.
Inaasahang malaki ang magiging tulong nito sa mga lugar na madalas baha at magdudulot ng mas maayos na paghahanda tuwing panahon ng ulan.