Ipinahayag ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang kanyang buong suporta sa mga pangunahing puntong binigyang-diin ng Pangulo sa nakalipas na ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
Sa kanyang pagdalo sa SONA, partikular na nagustuhan ni Mayor Fernandez ang mga binanggit ng Pangulo tungkol sa inaasahang pagpapatupad ng libreng pagpapagamot sa lahat ng DOH hospital, pati na rin ang mga proyekto sa imprastraktura at mga paraan para sa flood mitigation sa buong bansa.
Ayon kay Mayor Fernandez, malaki ang maitutulong ng libreng pagpapagamot sa bawat Pilipino, lalo na sa mga alkalde na kagaya nito dahil madalas itong nagiging problema sa paglutas ng mga bayarin ng kanilang mga nasasakupan.
Aniya, araw-araw ay may mga humihingi ng tulong sa kanilang opisina, kaya’t minsan ay lumalapit sila sa iba’t ibang opisyal ng gobyerno at maging sa ibang ospital upang makahingi ng tulong.
Sa pamamagitan ng libreng pagpapagamot, mas maraming mamamayan, lalo na ang mga mahihirap, ang makaka-access sa dekalidad na serbisyong medikal.
Bukod pa rito, pinuri rin ng alkalde ang pagtutok ng Pangulo sa imprastraktura at flood mitigation sa bansa, lalo na ang pagtugon sa problema sa baha.
Aniya, parehas sila ng Pangulo na ito ang kanilang tinututukan, lalo na sa paggamit ng maayos na pondo ng gobyerno upang hindi ito masayang.
Dahil dito, hindi sila tumitigil sa mga proyektong ginagawa sa lungsod upang maayos ang mga proyektong makakatulong sa mamamayan.