DAGUPAN, City- Tiniyak ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na magiging sapat ang suplay ng bangus sa lungsod ng Dagupan bago sumapit ang Bangus Festival sa kabila ng naitatalang mababang suplay nito sa mga pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa alkalde, sinabi nito kulang sa kulang aniya ang suplay ng bangus sa lungsod, ngunit pagtitiyak niya na walang dapat ipag-alala ang mga consumers o mga nais bumili ng bangus ngayong panahon.
Aniya na kanilang sisiguraduhin na magiging sapat ang suplay ng isdang bangus sa lungsod bago sumapit ang naturang pagdiriwang.
Ayon sa ilang mga fish vendors sa lungsod, hindi lamang kasi galing sa lungsod ng Dagupan ang bangus na ibenebenta sa mga wet markets, kundi galing na din sa mga karatig lugar maging sa Bulacan na mas mababa ang presyo kumpara sa mga nakukuha sa lungsod.
Magugunitang bahagyang naapektuhan ang presyo ang isdang bangus sa Magsaysay Fish Market sa lungsod ng Dagupan dahil umano sa mababa ang suplay nito na dumarating sa mga pamilihan.
Maliban nito ay nakikipag-ugnayan na ang local na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at sa National Economic and Development Authority upang palakasin pa lalo ang produksyon ng isdang bangus sa Dagupan.
Kaugnay nito ay inilalatag na ng local na pamahalaan ng lungsod ang mga plano sa pagbabalik muli ng Bangus Festival sa darating na Abril. Ngunit binigyang diin ni Fernandez na pili na lamang aniya ang mga aktibidades na isasagawa sa naturang kapistahan kumpara sa tradisyunal o nakagisnan nang mga kompetisyon at aktibidad.
Aniya bagaman nabawasan na ng mga aktibidad ang Bangus Festival, malaking dagdag naman aniya ang isasagawang BIDA FUN RUN na naglalayong palakasin ang layuning masugpo ang iligal na droga na isinusulong ng Department of the Interior and Local Government sa pangunguna ng kalihim nitong si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr.