Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan na hindi pa kailangang ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang naturang siyudad.
Iyan ang pahayag ni Dagupan City Mayor Marc Brian lim sa exlusive interview nito sa Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, dahil kung titignan ang bilang ng pagdami ng COVID-19 cases sa kaniyang nasasakupan ay hindi naman umano eksponensiyal o nagkakapatung-patong lalo pa’t sa mga nagdaang araw ay wala namang naitatalang mga bagong kaso hindi gaya sa National Capital Region (NCR).
Dagdag ng alkalde na hangga’t patuloy ang pagsasagawa ng mga kaukulang pagsusuri para sa naturang sakit; patuloy na monitoring sa vulnerable sectors; maagang nadidiskubre ang mga infected ng nasabing sakit; at mayroong sapat na quarantine o isolation facilities, ay hindi kinakailangang ibalik sa ECQ ang siyudad bilang higit na apektado riyan ang ekonomiya ng nasambit na lokal na pamahalaan na siyang kanilang higit na iniiwasan.