Isinusulong ng Dagupan City at Department of Labor and Employment o DOLE Regional Field Office 1 ang pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood Program para sa mga benepisyaryong nangangailangan ng kabuhayan. Bahagi ito ng isang resolusyon na nagbibigay-awtoridad kay Mayor Fernandez na lumagda sa memorandum of agreement kasama ang DOLE para sa programa.


Ayon kay Rhodora Dingle, hepe ng DOLE Central Pangasinan Field Office, layunin ng programa na magbigay ng suporta para sa mga kwalipikadong benepisyaryo na nais magkaroon o mapalago ang kanilang kabuhayan. Saklaw ng kasunduan ang pagpapatupad ng mga livelihood project sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at DOLE.


Itinatakda rin sa resolusyon na maglaan ang Dagupan City ng katumbas ng hindi bababa sa 20 porsiyento ng kabuuang halaga ng proyekto bilang counterpart. Ang pondo ay bahagi ng mga kailangang ilaan para sa pagpapatupad ng mga proyektong mapagkakakitaan sa ilalim ng programa.

--Ads--


Sa pamamagitan ng memorandum of agreement, pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at DOLE ang pagpapatupad ng mga livelihood project, kabilang ang proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo at pagsasagawa ng mga kinakailangang programa. Inaasahang ilalatag sa kasunduan ang mga detalye ng proyekto, kabilang ang mga responsibilidad at counterpart ng bawat panig.