Pinaiigting ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ang paghahanda at monitoring sa ilang lugar sa lungsod na nakararanas ng pagtaas ng tubig at pagbaha bunsod ng patuloy na pag-ulan.

Ayon kay Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo, bahagi ito ng pagpapatuloy ng mga hakbang ng City DRRMC sa pamumuno ni Mayor Bryan Pua, katuwang ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC).

Kabilang sa mahigpit na binabantayan ang mga ilog at mabababang lugar, partikular sa mga southern barangay at island barangays. Kabilang dito ang mga low-lying areas sa Pico Grande, Lasip Grande at Maluwed na maaaring higit na maapektuhan kapag patuloy na tumaas ang tubig.

--Ads--

Patuloy naman ang paghahanda at pagbabahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga residente upang maging alerto sa anumang pagbabago sa sitwasyon.

Inihahanda rin ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan para matugunan ang mga kinakailangang tulong at resources ng mga komunidad na posibleng maapektuhan ng pagbaha.