DAGUPAN CITY- Inaanyayahan ng Dagupan Autism Society Incorporated (DASI) ang mga magulang na may anak na may special needs, developmental condition, o disability na i-avail ang Z Benefit ng PhilHealth, isang programang makatutulong sa gastusin para sa therapy at assessment.

Ayon kay Elaine Estrada, President ng DASI, nagkaroon ng lecture ang kanilang grupo kasama ang PhilHealth upang ipaliwanag ang proseso ng pag-avail ng benepisyo.

Layunin ng aktibidad na mabigyang-linaw ang mga miyembro kung paano maging bahagi ng programa, lalo na’t hindi ito gaanong alam ng karamihan.

--Ads--

Aniya na taong 2016 pa nagsimula ang Z Benefit, at may ilang pamilya na ang nakinabang dito sa tulong ng mga pampublikong pasilidad.

Maaaring pumunta ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga PhilHealth-accredited facilities nang walang gastos upang makatanggap ng serbisyo gaya ng therapy at assessment.

Malaking tulong umano ito dahil karaniwang mahal ang ganitong uri ng serbisyo kahit na may limitasyon sa halaga ng benepisyong ibinibigay, depende sa uri ng serbisyo at rate ng klinika.

Kanilang nilinaw na sakop lamang ng programa ang mga batang edad 0 hanggang 17 taon, kaya isa ito sa mga isyung nais ring idulog ng DASI, ang posibilidad na ma-extend ang saklaw para sa mga may edad 18 pataas.

Sa kabila ng limitasyon, nagpapasalamat pa rin ang DASI sa PhilHealth sa patuloy na pagbibigay-suporta sa mga pamilyang may anak na may espesyal na pangangailangan.

Samantala, upang maka-avail ng Z Benefit, kailangang: Aktibong miyembro ng PhilHealth ang magulang o guardian; May anak na may special needs, edad 0–17; Makapagsumite ng mga kailangang dokumento; at Pumunta sa isang PhilHealth-accredited center

Sa ngayon, tanging sa Baguio General Hospital pa lamang may accredited center para sa buong Region 1.

Umaasa ang DASI na magkakaroon din ng PhilHealth-accredited center sa Dagupan upang mas mapadali ang access sa serbisyo para sa mga pamilya sa lungsod.