DAGUPAN CITY- Inaasahang ang pagdagsa ng mga pasahero sa terminal ng bus dito sa lungsod ngayon araw bandang tanghali.
Ayon kay Joseph Panis, isang driver ng bus, bagama’t inaasahan ang pagdagsa ng mga ito patungong probinsya ngayong kapaskuhan subalit hindi ito nakita sa nakaraang mga araw dahil inaasahang ngayon pa lamang dadami ang mga taong sasakay at baba sa terminal.
Mas marami aniya ang uuwe sa probinsya kaysa pupunta sa kalakhang maynila kaya makakaranas ng trapiko sa ilang mga kalsada.
Isa kasi sa mga pangunahing problema na kinakaharap nila tuwing holiday season ay ang matinding traffic, na nagiging sanhi upang humaba ang kanilang biyahe mula 5 oras patungong 6 o 7 oras.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Panis ang kanyang mga kapwa driver na magbaon ng mahabang pasensya at maging kalmado sa pagmamaneho kung saan hinikayat din niya ang kanyang mga kapwa driver na maging mapagpasensya at magkaroon ng disiplina sa sarili.
Saad nito na ang kanyang biyahe ay roundtrip, mula Dagupan patungong Caloocan at Pasay, at umaalis siya ng 7:30 ng gabi.
Sinabi pa ni Panis na mas dumarami ang mga pasahero bago magbagong taon.
Nagpaalala rin siya sa mga pasahero na huwag magdala ng mga bagay na makakasama sa iba at ingatan ang kanilang mga gamit sa loob ng bus.
Samantala, papaigtingin ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang seguridad sa mga bus terminals at iba pang mataong lugar sa lalawigan bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong holiday season.
Ayon kay PCapt. Aileen Catugas, PIO ng Pangasinan PPO, ito ay alinsunod sa March Order ni Provincial Director Police Colonel Arbel Mercullo na paigtingin ang inspeksyon sa mga bus terminals dahil inaasahang dadagsa ang mga kababayan na uuwi mula sa Kamaynilaan.
Dagdag pa niya, naroroon din ang mga kapulisan na nagbabantay sa mga mataong lugar katulad ng mga simbahan, palengke, at mga tourist destination sa lalawigan.
Inaasahan din ang spot inspection ni Provincial Director Mercullo sa mga terminals at mataong lugar sa lalawigan sa susunod na mga araw.










