“Nakakabigla.”


Ito ang ipinahayag ni Bernard Tuliao, President ng AutoPro Pangasinan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nakaamba na muling pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan ay aabot sa P6.00-P6.20 ang dagdag-singil sa kada litro ng diesel, samantalang nasa P1.20-P1.40 sa kada litro naman ng gasolina, at P3.50-P3.70 naman ang dagdag-singil sa kada litro ng kerosene.


Binigyang-diin pa ni Tuliao na napakalaki ng itinataas ng presyo ng mga produktong petrolyo kumpara naman sa kakarampot na bawas-singil partikular na sa diesel. Bagamat hindi na ikinakagulat ng hanay ng transportasyon, lalo na ng mga drayber ang pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo, ikinabigla naman nila ang malaking dagdag sa singil sa mga nasabing produkto.

--Ads--


Ikinangangamba naman ng kanilang grupo ang patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, lalo na ang kawalan ng kontrol ng gobyerno dahil hindi lamang ang hanay ng transportasyon ang nahihirapan sa napakalaking dagdag-singil sa diesel at gasolina, subalit gayon na rin ang mga mananakay na umaaray na rin sa halos magkakasunod na taas-singil sa pamasahe bunsod nito.


Dagdag pa ni Tuliao na ang nakaambang dagdag-singil sa presyo ng produktong petrolyo ay isa na namang panibagong pasakit sa hanay ng transportasyon, gayunpaman, ay binigyang-diin naman nito na nakahanda ang kanilang hanay hinggil dito hangga’t magtutuloy-tuloy naman ang pasukan at hindi na gaanong makakaapekto ang Covid-19 pandemic sa bansa.


Kaugnay niyo ay wala namang nakikitang problema ang hanay ng transportasyon hinggil sa inilabas na fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Subalit ang tanging hinaing lamang nila sa gobyerno ay ang mapakinggan ang kanilang panawagan na bigyan sila ng fuel subsidy nang sa gayon ay makahinga naman ng kahit papaano ang mga drayber.