Dagupan City – Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eli San Fernando, kinatawan ng Kamanggagawa Party-list, ibinahagi nito ang pagsusulong ng House Bill No. 88 sa 20th Congress na naglalayong magdagdag ng ₱200 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay San Fernando, mahigit 20 na mambabatas ang kasalukuyang sumusuporta sa panukalang batas na ito.
Umaasa umano sila na mapapabilis ang pag-usad ng panukala lalo’t ito ay natalakay na rin noong 19th Congress.
Bukod dito, ibinahagi rin ng kinatawan ang kaniyang personal na adhikain: tumanggap lamang ng minimum wage bilang kongresista.
Ang natitirang bahagi ng kaniyang sweldo, na ayon sa Salary Grade 31 ay tinatayang mahigit ₱200,000 kada buwan, ay ipinamamahagi niya sa mga manggagawa.
Tinawag niya itong isang “symbolic act of solidarity” na nagpapakita ng kaniyang paninindigan para sa transparency at accountability bilang isang lingkod-bayan.