Nagsagawa ng sunod-sunod na medical response ang Municipal Health Office ng Calasiao simula noong Lunes para matugunan ang pangangailangan ng mga evacuee na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa bayan.

Ayon kay Dr. Fritz Philip Maniquis ng Municipal Health Office, daan-daang evacuee ang nakatanggap ng serbisyong medikal, karamihan ay may sintomas ng lagnat, ubo, at sipon.

Maging ang mga hindi evacuee ay nagpupunta sa mga itinalagang booth upang magpacheck-up, lalo na at may mga residente ring nasugatan o nakaranas ng exposure sa baha.

--Ads--

Aniya na bilang pag-iingat, binakunahan ang ilan laban sa tetano, habang pinamahagian naman ng gamot kontra leptospirosis ang mga may mataas na panganib na mahawa.

Bagamat may mga pagkakataong nauubos ang supply, agad namang dumarating ang kapalit, kaya nananatiling sapat ang gamot para sa mga nangangailangan.

Ayon kay Dr. Maniquis, hindi pa matukoy kung leptospirosis ang sanhi ng mga kaso ng lagnat, ngunit posible itong konektado sa baha at kontaminadong tubig.

Nagpaalala rin ang health office na iwasan ng mga evacuee ang madalas na paglabas ng evacuation center upang hindi na malantad sa panibagong panganib.

Samantala, patuloy ang pagbisita ng lokal na pamahalaan sa mga evacuation site para maghatid ng relief goods at siguruhing ligtas at maayos ang kondisyon ng mga pansamantalang lumikas.