Dagupan City – Kamakailan nasa higit 40 residente sa Mangaldan ang nagtipon sa Municipal Wellness Center upang tikman at suriin ang mga kakaning gawa sa glutinous rice variety ng Department of Agriculture (DA) Region 1. Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan at Municipal Agriculture Office.

Ang mga evaluator ay binubuo ng mga farmer-breeders, traders, processors, youth, at ilang lokal na pinuno at empleyado ng gobyerno. Ang mga kakanin tulad ng tupig, bibingkang latik, tapong, at binurburan ay inilatag para suriin ang kulay, amoy, tekstura, at lasa.

Layunin ng departamento na itaguyod ang NSIC R13 glutinous rice variety sa Mangaldan upang hikayatin ang lokal na produksyon ng glutinous rice, na karaniwang binibili mula sa malalayong lugar.

Pagkatapos ng pagsusuri, nagbahagi ang mga evaluator ng kanilang mga komento at suhestiyon upang mapabuti ang lasa at kalidad ng mga kakanin. Mula sa mga input na ito, matutukoy ang pinakanararapat na glutinous rice variety para sa bawat kakanin.

Pinuri ang aktibidad bilang isang hakbang upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka, processor-traders, at consumers sa bayan, at bilang isang paraan upang mapalakas ang koneksyon at kooperasyon sa pagitan ng mga prodyuser, konsyumer, at pamahalaan.