Suportado ni Tzar Umang, isang kilalang eksperto sa cybersecurity, ang panawagan ng Pilipinas sa United Nations Security Council na manguna sa pagbalangkas ng mga patakaran at regulasyon ukol sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa sektor ng militar.

Sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, binigyang-diin ni Umang na kinakailangan ang agarang pagkilos upang matiyak na ang AI ay hindi magamit sa paraang mapanganib sa seguridad ng mga bansa.

Ayon kay Umang, habang may mabubuting layunin ang paggamit ng AI gaya ng pagpapabilis ng operasyon o pag-analisa ng malalaking datos may panganib din kapag ito ay na-weaponize o nagamit bilang sandata.

--Ads--

Aniya kapag na-weaponize ang AI, maaaring maapektuhan o mabago ang operasyon ng militar.

Maaari din itong gamitin para mapabilis ang mga hacking operation subalit binigyang diin niya kung handa ba ang Pilipinas kung ang pag-atake ay AI-enabled.

Tinukoy rin ni Umang na ilang mga bansa tulad ng Israel at Estados Unidos ay may advanced na AI-enabled military tools na maaaring magbigay sa kanila ng edge sa larangan ng cyber warfare.

Saad niya na patunay ito na ang teknolohiya ay mabilis na umuunlad, at dapat makasabay ang Pilipinas.

Bagamat may kakayahan ang mga tropang Pilipino na matuto at gamitin ang bagong teknolohiya, ngunit kailangan itong suportahan ng sapat na pondo at kagamitan.

Binigyang-diin ni Umang na ang paggamit ng AI sa militar ay hindi lamang teknikal na usapin, kundi moral at politikal na responsibilidad.

Kailangan aniya ng malinaw na pandaigdigang alituntunin upang matiyak na hindi ito gagamitin sa paraang labag sa etika at karapatang pantao.