Dagupan City – Nagsagawa ang Local Government Unit (LGU) ng Basista ng pamamahagi ng mga flyers tungkol sa Cybersecurity Awareness sa bawat tanggapan ng munisipyo bilang bahagi ng kampanya upang mapalawak ang kaalaman ng mga kawani sa ligtas at responsableng paggamit ng teknolohiya.

Layunin ng inisyatibong ito na paigtingin ang kamalayan ng mga empleyado sa kahalagahan ng pagprotekta sa mahahalagang impormasyon at personal na datos, gayundin ang pag-iwas sa iba’t ibang uri ng online scam, phishing, at iba pang banta sa cyberspace na maaaring makaapekto sa kanilang trabaho at sa operasyon ng lokal na pamahalaan.

Sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga impormasyon at paalala, inaasahang mas magiging handa ang bawat kawani sa pagtukoy at pag-iwas sa mga panganib sa internet.

--Ads--

Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng LGU Basista na isulong ang isang ligtas, maalam, at responsableng digital na kapaligiran para sa mga empleyado at mamamayan.