DAGUPAN CITY- Ipinagdiriwang ngayong buwan ng Oktubre ang Cybersecurity Awareness Month, tampok ang paalala sa publiko ukol sa kahalagahan ng digital na kaligtasan, lalo na ngayong halos lahat ng aspeto ng buhay ay ginaganap na online.
Sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI) at social media, mas lumawak ang posibilidad ng online threats at panlilinlang.
Ayon kay John Benedict Dioquino, Planning Officer II, Department of Information and Communications Technology (DICT), na tumataas ang bilang ng mga naiulat na insidente ng online scams, partikular sa mga taong hindi gaanong bihasa sa teknolohiya.
Madalas na target umano ng mga scammer ang mga senior citizen at iba pang “less techy” na indibidwal, kumpara sa mga kabataang kabilang sa Gen Z at Millennial generations na mas sanay sa paggamit ng digital platforms.
Samantala ginagamit ang AI upang gampanan ang mga tungkulin na karaniwang kinakailangan ng human intelligence.
Layunin nitong mapadali ang trabaho at mas mahusay na magamit ang oras.
Paliwanag ni May Ann Campaner, Pangasinan Provincial Focal ng Integrated Local Council Development Program (ILCDP), kayang magsagawa ng AI ng mga gawain sa loob ng ilang segundo na isang malaking tulong sa mga propesyonal at institusyon.
Lumawak aniya ang impluwensya ng AI sa mga nagdaang taon dahil na rin sa tulong ng social media. Bagaman may mga teknolohiya ng AI noon, hindi ito ganoon kasikat o laganap dahil limitado ang abot ng digital platforms.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-evolve ng mga AI tools at nagiging bahagi na ito ng pang-araw-araw na pamumuhay.
Gayunman, may agam-agam ang ilan na baka tuluyang palitan ng AI ang mga manggagawa, isang usaping lumulutang sa mga talakayan hinggil sa teknolohiya.
Sa kabila nito, hinihikayat ang mas malalim na pag-unawa at paggamit ng AI sa positibong paraan, kasabay ng pag-iingat sa digital space.
Bilang bahagi ng Cybersecurity Month, layunin ng mga kampanya at aktibidad na palakasin ang kaalaman ng publiko sa ligtas na paggamit ng internet, lalo na sa panahon kung kailan ang teknolohiya ay bahagi na ng bawat aspeto ng ating buhay.