Dagupan City – Naniniwala si Tzar Umang, isang cyber security specialist, na isang “welcome development” ang pagpapalakas ng mga polisiya laban sa mararahas na content sa mga online gaming platform, lalo’t madali itong naa-access ng publiko.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na hindi nangangahulugang tuluyang mabablock ang ganitong uri ng content, dahil marami pa ring bahagi ng internet na hindi ganap na nakokontrol.
Isa sa mga pangunahing alalahanin aniya ay ang pagpasok ng mga “predators” sa mga gaming site na maaaring magdulot ng panganib sa mga kabataan.
Dahil dito, pinapayuhan ni Umang ang mga magulang na patuloy na payagan ang screen time ng kanilang mga anak, ngunit tiyaking mahigpit na binabantayan ang kanilang mga aktibidad at mga nilalaro online.
Mahalaga rin aniya na irehistro ng mga magulang ang kanilang mga account upang mas epektibong ma-block ang mga mararahas na content.
Dagdag pa niya, kinakailangan ang isang mas proactive na solusyon, kabilang ang paghihigpit sa rating system—katulad ng ipinatutupad ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa mga pelikula—upang masigurong angkop ang content sa edad ng mga manlalaro, maging sa mga online stores.
Partikular na tinukoy ni Umang ang Roblox, na aniya’y kasalukuyang trending, kung saan dapat ipatupad ang mas mahigpit na babala at restriksyon sa paggamit ng wika at mga salita sa loob ng platform.
Matatandaang iniutos ni Risa Hontiveros ang pagpapaimbestiga sa mga mararahas na content at umiiral na polisiya sa online gaming platforms, matapos lumabas ang mga ulat na maaaring makaapekto ito sa cyber security at kaligtasan ng mga menor de edad.










