Pinagpasyahan ng Senate Blue Ribbon Committee na i-cite in contempt si Curlee Discaya, matapos umanong magsinungaling kaugnay sa hindi pagdalo ng kaniyang asawa na si Sarah Discaya, sa pagdinig ngayong araw hinggil sa mga iregularidad sa proyekto ng flood control.
Sa unang pahayag ni Curlee Discaya, sinabi niyang hindi nakadalo si Sarah dahil sa kadahilanang pangkalusugan.
Ngunit kinontra ito ng isang liham mula kay Sarah Discaya mismo, kung saan nakasaad na ang kanyang pagliban ay dulot ng naunang naka-schedule na pagpupulong kasama ang mga empleyado ng kanyang kumpanya.
Dahil sa umano’y pagsisinungaling, maaaring maharap si Curlee Discaya sa pagkakakulong sa Senado bilang bahagi ng contempt powers ng komite.
Patuloy na iniimbestigahan ng Senado ang mga anomalya sa flood control projects, kung saan sangkot umano ang ilang pribadong kontratista at opisyal ng pamahalaan.
Matatandaan na noong mga nakaraang hearing, isiniwalat ng Discaya couple ang pangalan ng ilang kongresista at DPWH officials na umano’y humihingi ng “kickback” mula sa mga proyekto, mula 10% hanggang 25% ng kabuuang halaga.
Ayon kay Curlee, kung hindi sila makikipag-cooperate, binabantaan silang magkakaroon ng problema sa proyekto gaya ng “mutual termination” o “right of way” issues.