Dagupan City – Ipinamalas sa isinagawang Walk-through Field-day o Lakbay-Aral sa Bukid ang mga konkretong resulta ng proyektong “Crop Diversification and Mechanization for Higher Productivity and Efficiency in Rice-Based Systems (2025) – UPLB Component (Crop Diversification),” na layuning mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan sa pagsasaka.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) Research and Development unit, katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office 1 (DA-RFO1), Lokal na Pamahalaan ng Mapandan (LGU-MAPANDAN), at Philippine Rice Research Institute (PHILRICE).

Umabot sa 63 magsasaka mula sa mga bayan ng Mapandan, Malasiqui, Mangaldan, Sta. Barbara, at San Jacinto sa Pangasinan ang lumahok sa programa.

--Ads--

Pangunahing layunin ng Lakbay-Aral ang pagpapakita ng mga inobasyon sa larangan ng diversified farming at paggamit ng mga makinarya sa pagsasaka.

Sa pamamagitan nito, nabigyan ang mga kalahok na magsasaka ng pagkakataong masaksihan mismo sa bukid ang naging positibong resulta ng proyektong kanilang sinusuportahan.

Bukod dito, naging daan din ang aktibidad para sa pagsasalin ng kaalaman mula sa mga eksperto ng UPLB at ng mga katuwang na ahensya, na nagbigay inspirasyon at paghikayat sa mga magsasaka na subukan ang mga makabagong estratehiya sa pagsasaka.

Layunin ng proyekto na itaas ang antas ng kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas ng ani, mas epektibong sistema ng produksyon, at paglawak ng mga oportunidad sa kita gamit ang crop diversification at mechanization sa kanilang mga palayan.