“Hindi ito kaya ng criminal justice system ng Pilipinas.”
Ito ang naging pahayag ni Aurelio Servando, ang ama ni Guillo Servando na nasawi dahil sa hazing noong taong 2014 kaugnay sa muling pag-usbong ng parehong kaso sa Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Ihinalintulad ni Servando ang kaso ng hazing sa Laws against plunder at ang pagnanakaw sa gobyerno na hindi naman umano nabibigyang-pansin ng pamahalaan.
Kaniyang ipinunto na ang kailangan umanong gawin dito ay ang pagkakaroon ng moral regeneration kung saan dapat na buong mamamayang Pilipino ang mag-alsa at magsabing tigilan na ang ganitong uri ng gawain na dapat sana umanong ang mga lider ng gobyerno ang nangunguna hindi ang mga ordinaryong taong katulad niya.
Pagdidiin pa nito na ang legal na sistema kasi ng Pilipinas, kung mayroon kang pera ay agarang aksyon ang iyong matatanggap at kung mataas na tao naman ang sangkot sa kaugnay na kaso ay maaari lamang itong magtago nang magtago dahil sa impluwensiya nito ngunit para sa mga pamilyang nasa laylayan ay hindi naman umano tinututukan ng mga otoridad.
Samantala, natigil aniya ang kaso ng kaniyang anak na si Guillo noong taong 2017 dahil umano sa technicality issues kung saan may lusot na nakita ang mga imbestigador na nagsasabing nagkaroon umano ng pagkakaiba sa naging pahayag ng world prosecution ngunit ito ay under appeal parin aniya hanggang sa kasalukuyan.
Dagdag pa nito na mas mabilis pa aniya ang pagbibigay niya ng kapatawaran sa mga humingi ng paumanhin sa kanilang pamilya kaysa sa naging usad ng kaso ng kaniyang anak.
Kaugnay nito, nanunumbalik pa rin aniya sa ala-ala ng kanilang pamilya ang sinapit ng kanilang anak sa tuwing makaririnig ng parehong kaso ng hazing kung kaya’t umaasa siyang mabigyang katuparan nga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang binitiwang pangako na bibibgyan niya ng katarungan ang pagkasawi ni John Matthew Salilig.
Payo na lamang nito sa mga estudyante na nagbabalak ding sumali sa mga kaugnay na grupo na huwag na lamang nilang ituloy upang maiwasan din ang mga kapahamakang maaari nilang kaharapin sa pagsali sa mga ito.