Dagupan City – Nagpasiklab ngayong araw ang mga kalahok sa isa sa pinakainaabangang bahagi ng Puto Festival sa Calasiao, kung saan itinampok ang iba’t ibang paligsahan na layong ipakita ang husay at pagkamalikhain ng mga kalahok sa paggamit ng tanyag na delicacy ng bayan, ang puto Calasiao.

Lumaban ang iba’t ibang establisimyento sa patimpalak ng Puto Construction Design, kabilang ang entry ng isang kilalang hotel na pinangunahan ni Hernan Saura, pastry chef. Inihain nila ang isang detalyadong dragon-inspired structure na 80% gawa sa puto. Inspirasyon nila ang tradisyong Tsino, partikular ang Dragon Dance, na simbolo umano ng suwerte at kasaganaan.

Samantala, nagpasikat din ang Ramen Bar sa kanilang entry na pinangunahan ni Nikki Opprecio, operations manager ng restaurant. Pinili nilang pagdugtungin ang kulturang Hapon at lokal na puto sa pamamagitan ng iba’t ibang dish-inspired designs gaya ng sushi, sashimi at sushi tower.

--Ads--

Ayon kay Opprecio, maliit man ang display kumpara sa karaniwang 2-3 metrong sushi boat na ipinapakita nila sa mga event, ipinagmamalaki nilang ito’y edible at may kalidad.

Sa hiwalay namang kompetisyon, nagpamalas ng iba’t ibang bersiyon ng Puto-inspired dishes ang mga kalahok mula sa iba’t ibang barangay.

Pinangunahan ni Michael Turner ng Brgy. Talibaew ang isang international fusion dish na ang pangunahing putahe ay beef rendang, inspirasyon mula sa Malaysian cuisine. Layunin umano ng kanilang grupo na maitanghal ang puto sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng pag-innovate ng mga ulam na maaaring ipares dito.

Samantala, ipinakilala rin ni Dexter Castro mula sa Brgy. Buenlag ang kanilang simple ngunit makabagong putahe, puto na may sariwang mangga na nakabalot sa nori sheet. Aniya, sinadya nilang gawing simple ang recipe upang magaya ng karaniwang mamamayan at matikman ang kakaibang kombinasyon ng puto at fruity flavor.

Itinanghal bilang Champion sa Puto Construction Design Contenst ang entry ng isang Hotel dahil sakanilang dragon-inspired structure, habang ang Brgy. Ambonao naman ang nanalo bilang Champion sa Best Ways to Serve Puto dahil sakanilang inihain na Puto Tiramisu.