Naging malaki ang epekto ng COVID-19 sa kabuuan ng naging takbo at sistema ng US Election ngayong taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International Correspondent Israel Pacis Savellano mula sa Hawaii, USA, malaking impact umano ang kasalukuyang pandemya sa kabuuang proseso ng eleksyon sa bansang Amerika.
Aniya, dahil sa patuloy na pagkakatala ng kaso ng COVID-19 sa naturang bansa, karamihan sa mga botante rito ang maaga nang bumoto upang makaiwas sa banta ng nabanggit na sakit.
Mangilan-ngilan na rin umano ang mga sumadya sa mga voting precints upang pumili ng kanilang ibobotong kandidato.
Saad ni Savellano, patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga health protocols ng kanilang bansa para mapanatiling ligtas ang mga mamamayan sa kanilang bansa laban sa COVID-19.
Sa kabilang dako, tinatayang higit 7 milyong botante ng Ohio State sa Amerika, marami umano sa mga ito ang pabor na ma-re-elect si US President Donald Trump.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent na si Annie Holland mula sa nabanggit na estado, tahimik aniya ang kasagsagan ng eleksiyon doon.
Boto ang marami roon kay Trump bilang isa rin umano itong Republican State at gayundin aniya ang pulso ng ilang Filipino community roon.
Aniya, sa apat na taon umanong panunungkulan ng kasalukuyang Pangulo ng naturang bansa ay talagang ginagampanan umano nito ang kaniyang mga tungkulin.