DAGUPAN CITY- Hindi karaniwan ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na courtesy resignation ng mga gabinete nito dahil karaniwan itong nangyayari sa tuwing kakatapos ng termino ng punong ehekutibo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, nakikita nila ito bilang ‘loyalty check’ dahil nagkabukod na sila ni Vice President Sara Duterte.
Aniya, sa pamamaraan ito ay mabibigyan ng kalayaan ang Pangulo na paandarin ang gobyero ayon sa kaniyang kagustuhan.
Magiging pagkakataon naman ito para kay Pangulong Marcos na makipag alyansa sa mga progresibong grupo para sa mga bago nitong cabinet members.
Bagaman nangyari ito pagkatapos ng midterm election, nakikita nila na naging maganda ang epekto nito upang mapagnilayan ng Pangulo ang mga miyembro ng kaniyang gabinete.
Hiling na lamang ni Cainglet na hindi ito magdudulot ng hindi magandang epekto sa mga Pilipino, kundi magdadala pa sa pagasenso ng bansa.
Aniya, unang hakbang pa lamang ito upang matigil na ang pangungurakot ng gobyerno sa kaban ng bayan, katulad sa pagpapatalsik kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio.
Gayunpaman, hati ang pananaw ng kanilang grupo sa pag-resign din ni Labor and Employment Sec. Bienvenido Laguesma dahil hindi umano naging satisfied ang pangulo sa performance nito.
Kinukunsidera pa rin aniya nila ang mga maganda nitong nagawa para sa sektor ng manggagawa at naniniwala silang maaaring makipagtulungan kay Laguesma para sa mas magandang mga reporma.
Panawagan naman ni Cainglet na dapat palitan agad ang mga bagong kalihim upang seryosohin din ito ng mga Pilipino at magkaroon na ng panibagong simula sa muling pagbabalik ng kongreso.