Dagupan City – Inilunsad kamakailan sa lalawigan ng Pangasinan ang Corporate Farming Program, kung saan magsisilbing marketing arm ang National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng mas mataas na kita sa anim na distrito ng lalawigan.
Ayon kay Frederick Dulay, Branch Manager ng NFA Eastern Pangasinan, handa ang ahensya na tumugon sakaling may mga lokal na pamahalaang mangailangan ng bigas para sa relief operations, kahit walang naitalang request matapos ang nagdaang bagyo.
Sa ngayon, may higit 1,000 bags ng bigas ang nakahandang ilabas mula sa kabuuang humigit-kumulang 495,000 bags na buffer stock.
Sinabi rin ni Dulay na ang Pangasinan ay may buffer stock na sapat para sa 15 araw, kaya’t nananatiling matatag ang suplay ng bigas sa lalawigan.
Samantala, nagpapatuloy ang pagsali ng mga bayan sa programa ng pamahalaan para sa ₱20 kada kilong bigas, na ngayon ay ipinatutupad na sa ika-6 na distrito ng Pangasinan.
Tiniyak ng NFA Eastern Pangasinan na patuloy ang kanilang suporta sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang layong mapatatag ang suplay at presyo ng bigas sa lalawigan.










