DAGUPAN, CITY— Nasa maayos na kalagayan at natukoy na Mangaldan Health Office ang close contact ng pasyente na nagpositibo sa beta variant o south african variant ng Covid 19 sa kanilang bayan.
Ayon kay Dr. Raquel Ogoy, ang covid 19 focal person ng nabanggit na bayan, ang naturang pasyente ay isang residente sa barangay Palua at ito ay isa sa mga close contact ng isang nagpositibo sa nabanggit na sakit.
Sumailalim sa swab test ang naturang pasyente noong Hulyo 12 at nalaman ang resulta nito noong Agosto 4.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ang pasyente at kasalukuyan ding siyang naka-isolate at ang kanya pang mga close contact.
Dagdag pa ni Ogoy, patuloy ang kanilang ginagawang information dissimination ukol sa epekto ng COVID-19 at mas pinaigting pa nila ang pagsasagawa ng disinfection sa mga pampublikong lugar sa bayan lalo na sa ngayon ay kabilang din umano ang kanilang bayan sa watchlist ng mga lugar sa lalawigan ng Pangasinan na may mataas na kaso ngayon ng nabanggit na sakit.