DAGUPAN CITY- Aktibong tinutugunan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Dagupan ang problemang congestion ng mga preso.

Ayon kay JCINSP. Lito Lam-osen, City Jail Warden ng BJMP Dagupan-Male Dormitory, nagmimistulang sardinas na ang mga preso sa bawat kulungan at hindi na ito komportable sa tuwing pagtulog.

Aniya, may gumagamit na rin ng mga duyan na ‘spiderweb’ hammock subalit, nakapagtala na sila ng insidente nito at nahulog ang isang indibidwal.

--Ads--

Sa pamamagitan ng Paralegal System, patuloy ang kanilang pakikisangguni sa Region Trial Court para mabigyan ng mittimus order ang mga natapos na ang kaso at maibyahe na sa bilibid.

At sa kasalukuyan, nakalahati na nila ang bilang ng mga preso, mula higit-kumulang 1,200 ay bumaba na sa 621 katao.

Nakapag-scout na rin sila ng lupain sa bayan ng San Fabian para magpatayo ng karagdagang kulungan kung saan dadalhin ang mga nahaharap sa kaso na hindi naman residente ng Dagupan City.