DAGUPAN, CITY— Nasa kamay ng mga mamamayan ang desisyon kung magpapatuloy ang political dynasty sa bansa.
Ito ay kaugnay sa mungkahi ni Sen. Franklin Drilon sa Duterte Administration sa pagpigil sa political dynasties kung gusto umano nitong mabuwag ang oligarkiya sa Pilipinas.
Ang oligarkiya ay isang uri ng pamahalaan kung saan ang kapangayarihang pampulitika ay karaniwang nakasalalay sa isang maliit na pangkat ng mga piniling tao mula sa isang bahagi ng lipunan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay 2nd District Congressman Jumel Espino, sinabi niya na nasa mga botante na ang desisyon kung ititigil o hindi ang dinastiya sa kanilang lugar.
Bagaman kabilang ang kanilang pamilya sa political dynasty dahil ang kanyang kapatid na si Amado I. Espino III ang kasalukuyang gobernador ng lalawigan, habang ang kanyang ina na si Pricila Espino ay naluklok bilang alkalde ng bayan ng Bugallon, gayundin ang kanyang tiyuhin na si Amadeo Espino na siya ring alkalde ng bayan ng Bautista at matatandaan ding nagsilbing dating gobernador ang kanilang padre de pamilya na si Amado T. Espino Jr., ay wala naman umano itong problema lalo naman kung nagagawa naman nila ang karapat-dapat para sa kanilang mga kababayan at nasasakupan.