Dagupan City – Nasa Ikatlong araw na ng confirmation of charges proceedings laban kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, kung saan inaasahang magtutuloy-tuloy na ito sa full trial kapag nakitaan ng sapat na basehan ang mga iniharap na ebidensya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Michael Henry Yusingco, nakikita niyang malaki ang posibilidad na umusad sa trial ang reklamo laban sa dating pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, isa na lamang sa inaabangan din ay ang magiging depensa ni Atty. Nicholas Kaufman, ang lead counsel ni Duterte.

--Ads--

Pinag-uusapan din kasi aniya kung magiging epektibo ang kanyang defense strategy sakaling umabot na sa pormal na paglilitis ang kaso.

Samantala, ibinahagi naman ni Lucky Charm, Bombo International News Correspondent na nakabase sa The Hague, na isa sa kanyang napansin sa nagdaang dalawang araw ng pagdinig ay ang mas “futuristic” o mas malawak na pananaw ng ICC sa pagtalakay ng confirmation of charges.

Aniya, tumatak sa kanya ang diin ng korte sa papel at karapatan ng mga biktima, lalo na sa presentasyon ng mga ebidensyang iniharap laban sa dating pangulo.

Napansin din umano niya ang pagiging maingat ng ICC sa pagresolba ng anumang kahilingan para sa interim release ni Duterte.