Magsisimula sa Pebrero 23 ang pagdinig para sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon sa ICC, gaganapin ang pagdinig mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon (oras sa The Hague), o alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi (oras sa Pilipinas), sa harap ng Pre-Trial Chamber I.

May mga kasunod na pagdinig sa Pebrero 24, 26, at 27, at maaaring magbago ang iskedyul depende sa takbo ng proseso.

--Ads--

Ilalahad ng Prosecution, Depensa, at mga abogado ng mga biktima ang kanilang mga argumento upang matukoy kung may sapat na ebidensya laban sa dating pangulo.

Kapag nakumpirma ang isa o higit pang sakdal, ililipat ang kaso sa Trial Chamber para sa pormal na paglilitis.

Itinakda naman ang Pebrero 16 bilang huling araw ng pagsusumite ng mga argumento at pagtutol.

Sa kasalukuyan, nakadetine si Duterte sa ICC Detention Center sa Scheveningen kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at naging pangulo ng Pilipinas.

Kabilang sa mga pinangalanan ng ICC bilang umano’y kasabwat sa “common plan” ang mga sumusunod:

Ronald dela Rosa, Bong Go, Vicente Danao, Camilo Cascolan, Oscar Albayalde, Isidro Lapeña, Dante Gierran at Vitaliano Aguirre II.

Maaari namang mapanood online ang pagdinig sa opisyal na website at social media pages ng ICC.