Dagupan City – Posibleng isakatuparan ng US ang Compass of free association hinggil sa planong kunin ang Greenland.

Ito ang ibinahaging posibleng hakbang n US ni Denmark Suede, Geopolitical Observer sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan matapos ang matagal ng interes ni US President Donald Trump na bilhin ang Greenland, isang autonomous territory na sakop ng Denmark.

Ayon kay Suede posibleng isaalang-alang ng Greenland ang mas malawak na anyo ng free association o self-determination, kung saan magkakaroon ng mas malaking papel ang mga residente sa pamamagitan ng demokratikong proseso tulad ng pagboto.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ni Suede na ang anumang pagbabago sa katayuan ng Greenland ay dapat dumaan sa legal at konstitusyonal na proseso, at hindi maaaring ipilit ng ibang bansa.

Matatandaang noong 2019, unang hayagang inihayag ni Trump ang intensiyong bilhin ang Greenland. Isa sa mga nakikitang dahilan dito ay ang estratehikong lokasyon ng isla sa Arctic, na mahalaga sa pagitan ng Russia at Hilagang Amerika, kabilang ang ruta patungong Washington, D.C.

Bukod dito, mayaman din ang Greenland sa mahahalagang mineral at likas na yaman na kritikal sa modernong teknolohiya at depensa.

Ayon pa sa pananaw na iniuugnay kay Trump, wala umanong “realistic choice” ang Greenland sa usapin ng seguridad—kung hindi Estados Unidos ang magkakaroon ng mas malaking impluwensiya rito, maaaring China o Russia ang pumalit.

Nilinaw naman ni Suede na bagama’t hindi sinusuportahan ng Sweden ang lahat ng polisiya ni Trump, may punto umano ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng Greenland sa pandaigdigang seguridad.

Gayunpaman, binatikos ang paraan ng paghahatid ng panukala, na anila’y kulang sa diplomasya at konsultasyon.