DAGUPAN CITY– Nagpahayag ng pakondena ang Commission on Human Rights kaugnay sa brutal na pagpaslang sa isang miyembro ng LGBTQIA+ community sa Brgy Patar sa bayan ng Bolinao dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa ipinalabas na pahayag ni CHR spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, hinikayat nito ang kapulisan na matiyak na maisisilbi ang hustisya sa mga naiwang kaanak ng biktimang si Jestoni “Jessa” Remiendo , waiter sa isang resort sa Brgy Patar kung saan ito natagpuang ginilitan ang leeg.

Aniya walang sinuman ang may karapatan na gawin ang ganoong uri ng karumal dumal na krimen.
Hiling nito na sanay maigawad ang hustisya sa biktimang miyembro ng LGBTQIA+ community.

--Ads--

Sa nauna namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Dennis Cabigat, Chief of Police sa bayan ng Bolinao sinabi nito na hawak nila ngayon ang narekober na cellphone ng biktima na inaasahang magbibigay daan para malaman ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.

Bago ang insidente ay sinasabing nakipag-inuman pa umano ang biktima .

Napag-alaman na walang narekober na anumang armas na ginamit sa biktima, subalit hinihinalang itak ang ginamit sa pagpatay dito.

Sa ngayon ay tinitignan kung may nakaaway si Remiendo bago maganap ang insedente .