Sa katatapos lamang ng rehistrasyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections, nakapagtala ng mahigit sa 8,000 na bilang ang Dagupan Commission on Elections (COMELEC), pinakamataas na naitala sa buong rehiyon uno.
Ayon kay Franks Sarmiento, ang Comelec Supervisor ng naturang syudad, malaking tulong ang kanilang isinagawang satellite registration sa mga barangay at secondary public schools upang mahigitan ang kanilang initial target amount na 5,000.
Nais kasi aniya ng mga itong maging accessible ang rehistrasyon sa pamamagitan ng paglalapit ng kanilang serbisyo sa mga aplikante.
Sa kasalukuyan ay patuloy na ang paghahanda ng kanilang hanay kabilang na rito ang Election Registration Board (ERB) hearing kung saan ang mga miyembro nito ay may layuning maaksyunan lahat ang pangangalaga sa mga nagparehistro.
Simula March 6 hanggang March 10 magkakaroon ng ERB hearing kung saan dito malalaman kung sino sa mga aplikante ang maaaprubahan sa hindi.
Kung mayroon mang aniyang maghain ng oposisyon ay kanilang bibigyan ng sulat upang mapakinggan naman nila ang panig ng mga ito.