DAGUPAN CITY- Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) San Jacinto ang kanilang mga paghahanda sa campaign period ng mga local candidates.
Ayon kay Maja Chakri Indon, ang election officer ng COMELEC San Jacinto, nagsimula silang mag-train ng mga guro mula Marso 2 hanggang Marso 21 para sa paggamit ng automated counting machine na gagamitin sa 2025 local at national midterm elections. Tiniyak din nilang nakahanda na ang kanilang komisyon para sa pagsisimula ng campaign period para sa mga lokal na kandidato bukas.
Ngayon araw din nakatakda ang kanilang Operation Baklas para tanggalin ang mga campaign posters na hindi sumusunod sa mga itinakdang common poster areas at mga sukat.
Ipinahayag ni Indon na mayroon lamang silang sinusunod na sukat na pinapayagan para sa mga campaign posters ng mga kandidato—2×3 para sa individual posters at 3×8 naman para sa mga headquarters.
Nagbigay naman ng babala si Indon sa mga posibleng lumabag sa mga regulasyon ng COMELEC.
Ayon sa kanya, ang mga lalabag sa mga panukala ng komisyon ay maaaring makulong ng 1 hanggang 6 na taon at maaari pang ma-diskwalipika mula sa opisina.
Hinikayat din niya ang mga kandidato, lalo na ang mga nag-aambisyong tumakbo sa lokal na posisyon, na sundin ang mga regulasyon ng COMELEC at iwasan ang mga ipinagbabawal na gawain tulad ng vote buying at vote selling.