Nawala ang kapangyarihan ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga campaign materials ng mga kandidato mula sa inilabas na desisyon ng Supreme Court na pinapahintulutan umano nila ang mga kandidato na maglagay ng kanilang mga campaign materials sa mga pribadong ari-arian.
Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Pangasinan, kung ang may-ari ng nasabing ari-arian ay pumayag sa pagkakabit ng mga tarpaulin o poster, wala nang karapatan ang COMELEC na alisin ito.
Ang Supreme Court ruling na ito ay nagbigay daan upang mas mapadali ang mga kampanya ng mga kandidato sa pagpapalaganap ng kanilang mga plataporma at impormasyon, ngunit may kaakibat na mga responsibilidad ang mga kandidato at may-ari ng mga ari-arian upang maiwasan ang mga paglabag at hindi pagkakaunawaan.
Dahil dito, hiniling ng COMELEC sa mga kandidato na tiyakin na ang sukat ng mga tarpaulin at iba pang campaign materials ay naaayon sa mga itinakdang pamantayan, kahit na ito ay nakakabit sa mga pribadong ari-arian.
Ipinag-utos din ni Atty. Oganiza na ang mga kandidato na sana mismo ang mangunguna sa pagpapabaklas ng kanilang mga campaign materials kung sakaling ito ay lumalabag sa mga patakaran, upang maiwasan ang posibilidad ng isang show-cause order.
Halimbawa ng mga maling pagkakabitan ng mga campaign materials ay ang mga nakasabit sa mga poste ng kuryente at mga puno, na kadalasang nagiging sanhi ng aksidente sa mga mamamayan.
Samantala, binigyang-diin din ni Atty. Oganiza na walang isinasagawang pagsusuri ang COMELEC sa mga campaign jingles ng mga kandidato maliban na lamang kung ito ay nakakabastos sa pandinig.
Para sa mga oras at limitasyon ng pagpapalabas ng mga campaign jingles o pamamahagi ng mga materyales sa kalsada, ito aniya ay nakasalalay na sa lokal na pamahalaan at dapat tiyakin ng mga kandidato na hindi sila lalabag sa mga ordinansa, lalo na sa ingay at iba pang mga aspeto na maaaring magdulot ng kaguluhan sa kalsada.
Sa kasalukuyan, nagsimula na ang COMELEC, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), sa operasyon ng “baklas” o ang paglilinis ng mga hindi awtorisadong o hindi pasadong campaign materials.
Ang operasyon ay inaasahang magpapatuloy at matatapos pagkatapos ng campaign period, upang matiyak ang kaayusan sa mga lugar at maiwasan ang mga hindi awtorisadong materyales na makakasagabal sa kaligtasan at kaayusan ng publiko.