Binalaan ngayon ng Commission on Elections o COMELEC Pangasinan ang mga kumandidato sa katatapos na halalan noong Mayo 13 na maghain na ng kani-kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Napag-alaman kasi na wala pa sa kalahati ang naghain ng kanilang SOCE gayong sa Hunyo 13 na ang huling araw o deadline ng pagsusumite nito.
Ayon sa Comelec Pangasinan, dalawampu’t isa pa lamang ang nakapagbigay mula sa apat napu’t apat (44) na kabuuang bilang ng mga tumakbong kandidato mula sa provincial level.
Paalala pa ng naturang tanggapan na dapat nang kumpletuhin ng mga kandidato ang mga kinakailangang kopya ng kanilang mga dokumento pati na ang nilalaman nito upang hindi na maantala pa ang proseso sa kanilang pagtungo sa opisina ng Comelec.
Samantala, nanindigan ang Comelec Pangasinan na hindi magbibigay ng extension ang poll body sa deadline para rito.
Ayon pa sa naturang tanggapan, ang pagkabigong magsumite ng expense report ay may katapat na parusang multa at diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa public office.