DAGUPAN CITY- Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na nakasaad sa umiiral na batas ang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 1, taong kasalukuyan, kaya’t wala silang dahilan para pag-usapan ang posibilidad ng pagpapaliban nito.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Ericson Oganiza, may mga panukalang batas na inihain upang ipagpaliban ang eleksyon, ngunit hindi ito pinal hangga’t hindi pinipirmahan ng Pangulo.

Aniya, sa ngayon, batay sa batas, itinutuloy ng Comelec ang kanilang mga paghahanda at nakahanda na ang ahensya sa aspeto ng pondo at tauhan.

--Ads--

Halos kapareho ng sa national election ang proseso ng preparasyon, kabilang ang pag-iimprenta ng opisyal na balota.

Tiniyak ng Comelec na kailangang maabot ang mga itinakdang deadline, lalo na’t manwal ang sistema ng pagboto at bilangan.

Dagdag pa ni Atty. Oganiza, dahil manwal ang pagbibilang, may mga pagkakataong nagkakaroon ng pagkakamali sa tally ng electoral boards.

Sa kasalukuyan, hindi rin nakikita ng Comelec na may interes ang mga nakaupo sa pwesto na itulak ang panibagong halalan.

Para sa Comelec, ang anumang pagpapaliban ay may epekto sa karapatang bumoto ng mamamayan at sa takbo ng lokal na pamahalaan.