Bagama’t nagkaroon ng kaunting adjustments sa schedule ay nakahanda na ang Commission on Elections o Comelec Pangasinan sa pagsisimula ng local campaign ngayong araw.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Erickson Oganiza, Acting Provincial Election Supervisor ng Comelec Pangasinan, sinabi nito na hindi muna sila mag-uumpisa ng Oplan Baklas sa mga posters ng mga kandidato dito sa lalawigan dahil naaapektuhan ang kanilang mga nakahanay na aktibidad sa nangyaring reshuffling ng mga opisyal ng Comelec.
Ayon kay Oganiza, nagkaroon na sila Oplan Baklas noong March 26 pero sa mga syudad lamang dito sa probinsiya kaya natanggal na nila ang mga illegal campaign posters ng mga kandidato.
Panigurado aniya na mas madagdagan ngayong araw ang mga campaign paraphernalia na makikita sa paligid.
Ayon pa sa opisyal, magkakasa sila ng Provincewide Operation Baklas ngunit pag-uusapan muna nila kung kailan nila ito gagawin.
Magtutungo muna kasi ang kanilang hanay sa Vigan City para sa tatlong araw na seminar patungkol sa nalalapit na midterm elections.
Aminado naman ito na wala pang tumatakbong kandidato sa lalawigan ang nasampahan ng kaso hinggil sa illegal campaign posters dahil na rin sa hindi matibay na ebidensya kaya mas naging istrikto na aniya ang kanilang polisiya ngayon.