DAGUPAN CITY- Kamakailan ay pinahintulutan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials na sumama sa mga election campaign, bilang pagtalima sa desisyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Atty. Mark Kevin Pastrana, COMELEC Officer, Lingayen, bagamat pinapayagan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na makilahok sa kampanya, malinaw na sakop pa rin sila ng mga batas at regulasyong itinakda ng COMELEC, at hindi maaaring magsagawa ng mga aksyon na labag sa mga ipinagbabawal ng ahensya.

Isa aniya sa mga pangunahing layunin ng COMELEC ay matiyak na walang mangyayaring paglabag sa mga alituntunin tulad ng vote buying. Bilang tugon dito, bumuo ang COMELEC ng isang “Committee on Kontra-Bigay,” na naglalayong magsagawa ng mga hakbang laban sa anumang uri ng pagbili ng boto.

--Ads--

Dagdag pa ni Attty. Pastrana na inilunsad din nila ang isang programa upang hikayatin ang mga botante na magsumbong o mag-file ng reklamo ukol sa vote buying, na maaari nilang gawin online. Aaksyunan umano agad ito ng COMELEC at magsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung mayroong sapat na ebidensya laban sa mga inirereklamo.

Bukod pa rito, ipinagbabawal din ang paggamit ng mga ari-arian ng gobyerno, kabilang ang mga sasakyan ng barangay o lokal na pamahalaan, para sa pangangampanya. Ang mga ganitong uri ng abuso sa pondo at resources ng gobyerno ay mahigpit na ipinagbabawal upang mapanatili ang integridad ng eleksyon.

Nilinaw ni Atty. Pastrana na tinitiyak ng COMELEC na walang sinuman ang exempted mula sa mga regulasyon na ito, at ang mga opisyal ng barangay at SK ay kailangang magpatuloy na magsagawa ng kanilang tungkulin nang tapat at ayon sa batas.