DAGUPAN CITY- Magsisimula na bukas, Enero 13, ang satellite voter registration ng Commission on Elections o COMELEC Mangaldan sa iba’t ibang barangay sa bayan bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Nobyembre 2026.
Layunin ng aktibidad na maabot lalo na ang mga kabataang botante at iba pang residente na hindi pa rehistrado, gayundin ang mga kailangang magpa-reactivate o mag-update ng kanilang voter’s records.
Ayon sa COMELEC Mangaldan, tuloy-tuloy ang isasagawang satellite registration sa mga susunod na araw sa piling mga barangay. Bukas at sa makalawa, gaganapin ang rehistrasyon sa Barangay Guilig sa Mangaldan National High School.
Sa Enero 15, lilipat ito sa Barangay Anolid sa Barangay Hall, habang sa Enero 16 ay sa Barangay Salay sa Metro-Dagupan Colleges Function Hall naman isasagawa.
Tatanggap ng aplikasyon ang COMELEC mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
Tiniyak ni Election Officer IV Gloria Cadiente na lahat ng 30 barangay sa Mangaldan ay mabibigyan ng kani-kanilang iskedyul ng satellite registration upang mas mapadali ang pagpapatala ng mga botante.
Kabilang sa maaaring mag-apply ang mga first-time voter, magpapa-reactivate ng rehistro, magpapalit o magwawasto ng detalye, at lilipat ng presinto.
Paalala ng COMELEC, magdala ng kahit isang valid government-issued ID at sundin ang itinakdang requirements, dahil hindi lahat ng uri ng pagkakakilanlan ay tinatanggap sa voter registration.










