Dagupan City – Inilabas ng Commission on Elections sa Mangaldan ang iskedyul ng satellite voter’s registration sa piling barangay bilang bahagi ng paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2026.
Inaasahang mas maraming residente ang makakapagparehistro at makakapag-ayos ng kanilang voter’s records nang hindi na kailangang pumunta sa tanggapan ng COMELEC.
Tatanggap ng aplikasyon mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang satellite registration sites.
Nakatakda ang registration sa Disyembre 16 sa Nibaliw Barangay Hall, Disyembre 17 sa Alitaya Barangay Hall, Disyembre 18 sa Banaoang Covered Court o Barangay Hall, Disyembre 19 sa Macayug Barangay Hall, at Disyembre 20 sa Lanas Elementary School Covered Court.
Kasama sa mga tinatanggap na aplikasyon ang first-time registration, reactivation, transfer ng lugar ng botohan, pagwawasto ng maling detalye, at pag-update ng rekord ng senior citizens, persons with disabilities, at mga kasapi ng indigenous peoples.
Tiniyak ng COMELEC Mangaldan na lahat ng 30 barangay sa bayan ay bibigyan ng iskedyul ng satellite registration.
Paalala ng COMELEC, kinakailangang magdala ng kahit isang balidong government-issued ID para sa beripikasyon.
Hindi tatanggapin ang cedula, barangay ID o sertipikasyon, company ID, at police clearance upang maiwasan ang maling pagkakakilanlan sa proseso ng pagpaparehistro.










