DAGUPAN CITY- Ilang linggo bago ang nakatakdang halalan, nagpapatuloy ang mga paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayan ng Mangaldan. Kabilang sa mga ito ang mga pagsasanay, distribusyon ng kagamitan, at pagpapalawak ng access sa impormasyon para sa mga botante.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng COMELEC ay ang final training ng Electoral Boards sa paggamit ng Automated Counting Machine o ACM. Layunin ng pagsasanay na tiyaking pamilyar ang mga electoral board member sa sistema at proseso ng automated election.

Ayon kay Gloria Cadiente, Election Officer ng Mangaldan, bahagi ito ng kanilang standard na preparasyon upang maiwasan ang teknikal na aberya sa mismong araw ng halalan.

Naipamahagi na rin ang mga ballot box na gagamitin sa midterm elections. Ang distribusyon ay isinagawa sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang seguridad ng mga gamit panghalalan.

Nakaplano ring ipamahagi ang kabuuang 84 na Automated Counting Machines sa buong Mangaldan, kung saan bawat voting cluster ay magkakaroon ng tig-iisang makina. Ang alokasyong ito ay batay sa itinakdang clustering ng COMELEC upang maging organisado at episyente ang proseso ng pagboto.

Bukas na rin para sa publiko ang COMELEC Precinct Finder. Sa pamamagitan ng online tool na ito, maaaring malaman ng mga botante ang kanilang eksaktong presinto at lokasyon ng botohan. Maaaring bisitahin ang opisyal na website ng COMELEC, www.comelec.gov.ph, upang ma-access ang serbisyo.

Patuloy ang pagpapaalala ng COMELEC na beripikahin ng mga botante ang kanilang impormasyon at alamin ang wastong proseso ng pagboto. Ang pagiging handa at informadong botante ay mahalaga sa pagsasagawa ng maayos na halalan.