DAGUPAN CITY- Inaasahang dadagsa ang 144,481 na mga rehistradong botante sa syudad ng Dagupan para sa darating na halalan sa Mayo 12, na inaasahang magtatala ng mataas na antas ng partisipasyon.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), target ng lungsod na mapantayan o mahigitan ang rekord na 89% voter turnout noong nakaraang presidential election, na siyang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng lungsod.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng COMELEC Dagupan City, nakahanda na ang kanilang hanay katuwang ang Philippine National Police (PNP) Dagupan upang matiyak ang maayos at mapayapang eleksyon.

--Ads--

Aniya na nakatuon sila sa pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng maayos na serbisyo lalo na’t inaasahan nila ang mahabang pila sa bawat presinto.

Bubuksan ang botohan mula 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, kung saan bibigyang prayoridad sa unang dalawang oras ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis.

Sakaling umabot pa sa pila ang mga botante bago mag-alas-siyete ng gabi, kukunin ang kanilang pangalan at papayagan pa rin silang makaboto kahit lagpas na sa takdang oras.

Naka-cluster ang bawat presinto sa maximum na 1,000 rehistradong botante kaya’t inaasahan pa rin ang mahabang pila.

Ipinaliwanag din ni Sarmiento na simula pa noong 2022 election, isinagawa na ang dagdag na oras ng serbisyo ng mga guro at election workers upang matugunan ang mas maraming botante sa presinto.

Dagdag pa niya, malaki rin ang magiging papel ng eleksyon ngayon sa pagtukoy kung anong teknolohiya ang gagamitin para sa 2028 presidential elections.