Dagupan City – Planong magsagawa ng pre-candidacy orientation ang Commission on Election Dagupan sa buwan ng Agosto para sa lahat ng nais tumakbo sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections 2026.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng opisina na saklaw nito ang lahat ng 31 na barangay ng lungsod at tutukan ang lahat ng taong nais tumakbo hindi lamang para sa mga posisyon sa barangay kundi pati na rin sa Sangguniang Kabataan .

Kasama sa mga katuwang ng COMELEC sa aktibidad ang mga kinatawan ng Bureau of Internal Reveneu (BIR), Department of Interior and Local Government (DILG) at hanay ng kapulisan.

--Ads--

Layunin ng orientation na ipaliwanag nang malinaw ang mga alituntunin, regulasyon, mga dapat gawin, at mga ipinagbabawal na aksyon bago magsimula ang paghahain ng mga kandidatura.

Saad niya na nakatakda namang maganap mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5 ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa buong bansa.

Idinagdag din na nais nilang panatilihing handa at mulat ang lahat ng nais tumakbo mula sa mga kasalukuyang nanunungkulan hanggang sa mga bagong kandidato sa lahat ng patakaran na dapat sundin sa eleksyon.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Atty Sarmiento na sa ilalim ng SK Reform Law hindi maaring tumakbo ang nasa ikalawang antas ng pagkakamag-anak sa posisyon ng SK lalo na kung halal sa pwesto ang ama nito bilang kapitan o iba pang pwesto sa Barangay dahil ito ay lumalabag sa political dynasty .

Kaugnay nito, Maari naman umanong tumakbo ng sabay sa Barangay ang mag-ama, mag-ina at magkakapatid .

Layunin ng ganitong pagkakaiba ay tiyakin na ang mga kabataan ay makapaglilingkod sa sarili nilang kapasidad at hindi lamang dahil sa ugnayan sa mga kasalukuyang opisyal.