DAGUPAN CITY- Nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa lungsod ng Dagupan sa lahat ng election officers na tiyaking maayos ang daloy ng botohan, lalo na sa mga island barangay, sa harap ng banta ng masamang panahon sa araw ng halalan.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng COMELEC Dagupan City, dapat iwasan ang pagsisiksikan sa mga polling precinct upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga botante.
Binanggit niya na wala nang kontrol sa haba ng pila sa holding areas, kaya mahalagang tiyakin na may bentilasyon at maayos na daloy ng hangin sa mga presinto, lalo na sa mga paaralang inaasahang dagsain ng mga botante.
Inihayag din niya ang pangangailangang magtalaga ng mga medical team sa mga voting areas, lalo na sa mga masisikip at mataong lugar.
Umapela siya sa mga NGO at sa district hospital na magpadala ng mga standby medical teams upang agad na makaresponde sakaling may mangyaring hindi inaasahan.
Kabilang sa mga binabantayang lugar ay ang isang paaralan sa Brgy. Pantal, na aniya’y siksikan at halos magkakadikit na ang mga botante sa dami ng tao.
Sa ganitong kalagayan, mahalaga umanong masiguro ang kaligtasan ng mga electoral boards at ng mga ACM.
Dagdag pa ni Sarmiento, sa oras na umulan at lumala ang panahon, maaaring bumaba ang voting turnout, kaya’t maglalabas ang kanilang tanggapan ng mga public announcement upang ipabatid ang mga alituntunin at paalala para sa kaligtasan ng publiko.
Muling iginiit ng COMELEC Dagupan na ang kahandaan sa panahon ng halalan ay susi upang maisagawa ang ligtas at maayos na pagboto, sa kabila ng anumang hamon ng panahon.