DAGUPAN CITY – Inasahan ng COMELEC na dadagsa ang mga hahabol para magparehistro sa lungsod ng Dagupan lalo na at papalapit na ang voter’s registration deadline.
Kung saan una nang inumpisahan ang pagpaparehistro noong buwan pa lamang ng Pebrero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Frank Sarmiento Dagupan City Election Supervisor aniya na karaniwang dahilan kung bakit nahuli ang ilan sa pagpaparehistro ay dahil may pasok pa, abala sa trabaho, o kaya naman ay galing pa sa ibang lugar.
Ang naapprubahan na registered voters mula noong buwan ng Hunyo ngayong taon ay nasa 141,330 at kung idadagdag pa ang mga nag apply mula noong buwan ng Hulyo at Setyembre, aabot na ito sa 145,000-146,000.
Habang 30% dito ay mga newly registered voters, 30% ay mga transfer voters, at ang natitira ay mga dati ng botante na nag-apply para magpa-reactivate, nag change status, at nagpalipat ng address.
Pinaalalahan din ni Atty.Sarmiento ang mga hahabol pa na dalhin ang sapat na requirements kagaya na lamang ng Valid ID na nagpapakita ng inyong kasalukuyang address o kaya naman ay Certificate of Residency.
Kaugnay naman sa umuugong na balitang mayroon daw naghahakot ng mga botante ay wala daw itong katotohanan.
‘Yan ang bagay umano na hindi hahayaan ng COMELEC na mangyari dahil masuri sila sa pagtanggap ng mga nagpaparehistro lalo na sakanilang requirements.
Dagdag pa niya na dumadaan muna sila sa screening bago mabigyan ng registration forms, sunod ang pagcheck ng kanilang requirements, at ang panghuli ay ang pagdadaanan nilang interview na kung hindi masagot ay posibleng hindi siya residente ng lungsod.