Dagupan City – Ang Dagupan City ay isa sa walong lugar sa lalawigan na nasa ilalim ng yellow category, na binabantayan ng mga awtoridad upang maiwasan ang mga posibleng insidente.
Nasa kabuuang 27 ang mga kandidatong tumatakbo sa lungsod na nahahati sa dalawang grupo mula sa administrasyon na Team Unliserbisyo at oposisyon na Team Life habang may 3 independent candidate naman para sa posisyon ng pagka-konsehal.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng Comelec Dagupan City, ang matinding kompetisyon sa pulitika o intense political rivalry ang dahilan ng pagiging “areas of concern” ng lungsod batay sa deklarasyon ng Comelec bagamat walang naitalang election-related violence sa nakalipas na mga halalan.
Wala ring namomonitor na mga private armed groups ngunit umaapela siya na sana’y hindi na umakyat pa sa mas mataas na kategorya ang Dagupan City.
Pagbabahagi naman nito na hindi naman sila nagkulang sa mga paalala sa mga kandidato upang masunod ang mga alituntunin sa pangangampanya..
Sa kabilang banda, wala namang ibinabang regulasyon ang COMELEC hinggil sa oras ng pangangampanya o public rally, ngunit dapat itigil na ang pagpapatugtog ng mga campaign jingles sa kalsada tuwing gabi upang hindi makaabala.
Maaaring gamitin ng mga kandidato ang kanilang social media accounts 24/7 para sa pangangampanya, basta’t walang maling impormasyong ikakalat.
Umaasa ang COMELEC na susundin ng mga kandidato ang mga alituntunin.
Pinaaalalahanan din nila ang mga supporters na maging mahinahon at mag-focus sa positive campaigning.
Samantala, hinihikayat ang mga botante na maging mapanuri at magsaliksik hinggil sa mga tumatakbong kandidato sa eleksyon.