Mariing itinanggi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ang paratang na tumanggap siya ng P10 milyong galing umano sa mga dating bodyguard at bagmen ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sa press conference na pinangunahan ni dating Rep. Mike Defensor, na inirekomenda ng Comelec na sampahan ng kasong indirect bribery, sinabi ng mga nagpakilalang bagmen na sila ang naghatid ng P10 milyon mula umano sa flood control projects para kay Garcia.

Ayon kay Garcia, pawang kasinungalingan ang mga alegasyon at wala umano siyang kinalaman sa mga proyekto sa flood control.

--Ads--

Kinuwestiyon din niya ang magkakasalungat na pahayag ng mga umano’y bagmen, na aniya’y dati nang nagsabing apat na maleta ang inihatid sa kanya sa harap ng Midas Hotel ngunit ngayon ay sinasabing maliliit na bag lamang ang ginamit.

Iginiit ng Comelec chief na mistulang may nagtuturo lamang sa mga ito kung ano ang sasabihin at hindi ang tunay na nangyari.