Mahigit apat na libong sundalo mula sa iba’t ibang yunit ng Philippine Army sa Luzon kasama ang 7th Civil- Military Operations (GWAPO) Battalion ang lumahok sa malawakang Combined Arms Training Exercise Katihan (CATEX) 2026 na ginanap ngayong araw March 9 sa Batug Beach, Barangay Iliw-Iliw sa bayan ng Burgos.

Nagpapakita ito ng kahusayan at kahandaan ng mga pwersa ng bansa sa pagharap sa mga posibleng banta sa seguridad sa lupa, dagat o himpapawid.

Ginawa dito ang mga aktwal na gawain sa panahon ng digmaan na nakatuon sa large- force manuever, sustainment, at mga war fighting functions at territorial defense scenario.

--Ads--

Ayon kay Brig. Gen. Lennon Babilonia, Exercise Director ng CATEX 2026, layunin kasundaluhan sa pagsasanay na ito ang subukin ang interoperability ng iba’t ibang yunit at armas ng militar.

Mula sa artillery, signal, tanke, hanggang sa drone surveillance.

Dagdag pa niya, mahalaga ang hakbang na ito para mapanatili ang mataas na antas ng training at matutunan ang koordinasyon sa loob ng isang kumplikadong operasyong militar.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Brig. Gen. Allan Jose Taguba, Brigade Commander ng 701st Brigade at Coordinator ng Exercise, matagumpay nilang naisagawa ang tatlong linggong paghahanda para sa pagsasanay na ito.

Aniya, wala naman nakitang aberya o problema sa buong aktibidad, at nagpapatuloy ang training sa lahat ng antas mula unilateral hanggang joint at multilateral exercises kasama ang mga allied countries.

Pinuri din niya ang suportang ipinakita ng lokal na pamayanan ng Burgos at buong lalawigan ng Pangasinan.

Samantala, sinabi naman ni Kapitan Francisco Angeles ng Barangay Iliw-Iliw, na malaking tulong ang mga ganitong pagsasanay sa kanilang komunidad.

Bagamat may mga ingay mula sa pagsasanay, hindi naman ito naging abala sa kanilang mga residente kung saan nabigyan naman sila ng abiso na magsagawa ng nasabing aktibidad sa lugar.

Sa kabuuan ang ginanap na CATEX 2026 ay patunay ng patuloy na paghahanda at pagtutulungan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ng lokal na komunidad upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at pagkakaisa sa bansa, habang pinapalakas ang kooperasyon ng militar at mga mamamayan.