Dagupan City – Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Bogota, Colombia sa mga Pilipino sa bansa kasunod ng magnitude 7.4 na lindol na tumama nitong Lunes, Agosto 10, na ikinasawi na ng 111 katao.

Sa inilabas na advisory ng embahada, pinaalalahanan ang mga Pilipinong apektado ng pagyanig na manatiling alerto at tukuyin ang mga ligtas na lugar na maaaring paglikasan sakaling magkaroon ng mga kasunod na pagyanig.

Ayon kay Consul Judy Razon, Chargé d’Affaires ng Philippine Embassy in Colombia, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng embahada sa mga overseas Filipino workers o OFWs sa bansa at agad din silang nagsagawa ng response matapos ang lindol.

--Ads--

Nilinaw ni Razon na nasa maayos na kalagayan ang embahada at wala itong naitalang pinsala.

Aniya, mahalagang manatiling alerto ang mga Pilipino at huwag maging kampante, dahil pangunahing prayoridad ang kanilang kaligtasan.

Hinimok din nito ang mga Pilipino sa Colombia na manatiling updated sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga balita at pakikinig sa mga abiso at paalala ng pamahalaan ng Colombia.

Para sa mga nangangailangan ng tulong o may iba pang katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Bogota.

Sa kasalukuyan, wala pang napaulat na Pilipino na nasawi o naapektuhan ng malakas na pagyanig.

Patuloy namang minomonitor ng Philippine Embassy ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga lugar na matinding tinamaan ng lindol, kabilang ang Chocó, Cali at Pereira.