Naghigpit ng seguridad ang pamahalaan ng Colombia at agad na nag-deploy ng karagdagang puwersa ng militar at pulisya sa mga hangganan nito kasunod ng mga ulat hinggil sa pag-atake ng Estados Unidos sa karatig-bansang Venezuela.
Ayon sa mga opisyal ng Colombia, ang hakbang ay isang preventive security measure upang mapanatili ang kaayusan sa border at maging handa sa posibleng pagdagsa ng mga mamamayan ng Venezuela na lilikas mula sa tumitinding kaguluhan sa kanilang bansa.
Ang Colombia ay may isa sa pinakamahabang hangganan sa Venezuela at matagal nang nagsisilbing pangunahing ruta ng mga refugee.
Matatandaang milyon-milyong Venezuelan na ang tumakas patungong Colombia at iba pang bansa sa South America sa mga nagdaang taon dahil sa krisis pang-ekonomiya at pampulitika sa kanilang bansa.
Sa kasalukuyang sitwasyon, inaasahan ng mga humanitarian group na maaaring muling lumobo ang bilang ng mga refugee sakaling lumala pa ang tensyon at karahasan.
Nagbabala rin ang mga international aid organizations na maaaring magkaroon ng kakulangan sa pagkain, tirahan, at serbisyong medikal sa mga border area kung biglang dadami ang mga lilikas.
Nanawagan ang mga ito sa mga pamahalaan ng rehiyon na maghanda at magtulungan upang matugunan ang posibleng humanitarian crisis.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng Colombia ang sitwasyon sa Venezuela habang nakikipag-ugnayan sa mga karatig-bansa at internasyonal na komunidad upang tiyakin ang katatagan at kaligtasan sa rehiyon.










