DAGUPAN, CITY— Nagkakaroon na ng inventory sa mga cold storage facility sa buong Region 1 bilang paghahanda na din sa pagtanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Sa bahagi ng pahayag ni Dr. Rhuel Bobis, Medical officer IV ng DOH Region 1, kanila ng sinusuri kung sasapat ba ang mga nakitang cold storage facility ng mga LGU’s doon sa pangangailangan ng bakuna.
Giit nito na kung sakaling magkaroon na ng bakuna sa ating nasasakupan, mauuna ang kanilang tanggapan sa pamamahala ng mga ito bago i-deploy sa iba’t-ibang lugar sa ating rehiyon.
Mayroon na din aniyang itinalaga ang kanilang tanggapan na mga indibidwal na silang maaaring mag bantay at mamamahala para sa cold chain management at storage facility.
Sa last monitoring nila, mayroon naman aniyang mga natuklasang available na storage facility sa ating rehiyon ngunit kailangan muna itong makita lalo na ang kapasidad ng mga ito dahil ang mga bakuna ay mayroon ding iba’t-ibang storage capacity.
Nakatakda namang unahin ng kagawaran ng kalusugan ang mga lugar na mayroong mas mataas na kaso ng Covid-19 at uunahin ang mga health care workers.
Sa pagtaya ni Bobis, maaaring unahin ang parte ng NCR, Region 3 at Region 4-A. (with reports from: Bombo Lyme Perez)